Ang mga panloloko ay nakakalat sa lahat ng lugar, tinatarget ang lahat ng klaseng mga tao at pumipinsala ng bilyong dolyar sa mga Australyano bawa’t taon. Maging ito man ay mga pekeng email, hindi inaasahang tawag sa telepono o mga pakana (scheme) sa online, ang mga manloloko ay laging nakakagawa ng mga bagong paraan upang makuha ang iyong pagtitiwala at nakawin ang iyong pera o personal na impormasyon. Ngunit 3 simpleng mga hakbang ang makakatulong sa ating lahat na maging ligtas sa mga manloloko.
On this page
Ang tatlong mga hakbang upang protektahan ang iyong sarili laban sa mga manloloko
STOP.
Tigil
Huwag magbigay ng pera o personal na impormasyon kahit kanino kung hindi nakakasiguro.
Ang mga manloloko ay mag-aalok ng tulong sa iyo o hihingin sa iyo na iberipika kung sino ka. Magpapanggap silang taga-saang organisasyon na alam mo at pinagtitiwalaan mo katulad ng mga negosyo, ang pulisya, ang iyong bangko o mga serbisyo sa pamahalaan.
CHECK.
Suriin
Tanungin ang iyong sarili – ang mensahe ba o tawag ay tunay o peke?
Huwag na huwag mag-klik ng ugnay (link) na nasa mensahe. Makipag-ugnayan lang sa mga negosyo o pamahalaan sa tinatawagang impormasyon na ikaw ang mismong nakakaalam mula sa kanilang opisyal na website o app. Kung hindi ka sigurado, sumagot ng ‘hindi’, ibaba ang telepono o i-delete ang email.
PROTECT.
Protektahan
Mabilis na kumilos kung mayroong hindi tama sa iyong pakiwari.
Kontakin ang iyong bangko kung may napansin kang hindi karaniwan na nangyayari o nakuha ng manloloko ang iyong pera o impormasyon. Humingi ng tulong at isumbong ang panloloko sa amin. Kapag nagsumbong ka ng mga panloloko, tinulungan mo kaming mapatigil ang panloloko at mabigyang babala ang ibang mga tao.
Itong mga materyal na nasa Filipino/Tagalog ay makakatulong sa iyong malaman at maiwasan ang mga panloloko.
Video
Itong video sa Filipino/Tagalog ay nagpapaliwanag ng ilang mga paraan para maprotektahan mo ang iyong sarili at ang iyong komunidad laban sa mga kriminal na manloloko at madagdagan ang kaalaman tungkol sa Scamwatch.
Ang Scamwatch ay pinamumunuan ng National Anti-Scam Centre.
Ipinapakita ng Scamwatch kung paano mo makikita at maiiwasan ang mga scam.
Kung alerto tayo, nasa atin ang kontrol.
Alam natin kung kailan dapat huminto at suriin kung siya nga ang taong sinasabi niya.
Ang mga scammer ay nagiging mas tuso at palaging nagpapalabas ng mga bagong scam.
Ang mga scammer ay magpaparamdam sa iyo na kailangan mong agarang rumesponde o kumilos.
Umaasa sila na sa pamamagitan ng panggigipit sa iyo,
Hindi mo mapapansin ang mga babalang palatandaan ng isang scam.
Kung gayon, ano ang mga babalang palatandaan na ito?
Ang mga ito ay maaaring: Mga pagbabanta o paratang mula sa awtoridad.
Mga pagkakataon upang magkapera.
Mga kuwento o paghingi ng tulong.
Mga pakiusap na buksan ang mga link o mga attachment.
Hihilingan kang magbayad sa pamamagitan ng hindi karaniwan o partikular na mga paraan
o mga direksyon na maglipat ng pera sa isang ‘ligtas na account’.
Ang mga scammer ay madalas magpanggap na mula sa mga organisasyon na kilala mo
o mga indibidwal na pinagkakatiwalaan mo.
Kagaya ng mga tagapagbigay ng serbisyo, pulisya,
iyong bangko, pamahalaan,
o maging ang isang miyembro ng pamilya.
Maaari ka nilang makontak sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang paraan.
Tulad ng text/SMS, email, mga tawag sa telepono,
sa website, sa social media
at sa pag-memessage sa online o apps.
May tatlong simpleng mga hakbang na kailangan mong tandaan upang protektahan ang iyong sarili:
HUMINTO – Huwag magmadaling kumilos.
Tandaan, ang mga scammer ay magpaparamdam ng pagmamadali.
SURIIN – Tanungin ang iyong sarili, maaari bang peke itong mensahe o tawag?
Kilala mo ba talaga kung sino ang iyong kausap?
ISUMBONG –kumilos agad kung may nararamdamang mali,
at tumulong sa iba sa inyong komunidad sa pamamagitan ng pagsumbong ng mga scam sa Scamwatch.gov.au.
Kung naglipat ka ng pera o ibinahagi ang anumang impormasyon sa pananalapi,
agarang makipag-ugnay sa iyong bangko.
Maaaring ma-scam ang kahit sino.
Kung ikaw o sinumang taong kilala mo ay nanakawan ng pera o personal na impormasyon sa isang scam,
hindi ka nag-iisa.
Makipag-usap sa iyong pamilya, mga kaibigan at komunidad tungkol sa mga scam.
At Tandaan na HUMINTO!
Mas mabuting ligtas ka kaysa ma-scam.
Paano Matuklasan at Maiwasan ang Mga Panloloko
Ang lathalaing Paano Matuklasan at Maiwasan Ang Mga Panloloko (How to Spot and Avoid Scams) ay kinikilala sa buong daigdig bilang isang mahalagang kagamitan para sa iyo at mga maliliit na negosyo na malaman ang tungkol sa mga scam, kabilang ang:
- mga pinakakaraniwang panloloko na dapat malaman
- mga iba’t-ibang paraan na ginagamit ng mga manloloko para kontakin ka
- mga ginagamit nilang kasangkapan para lokohin ka
- mga senyales na mag-aalerto sa iyo
- kung paano ang pagprotekta laban sa mga manloloko
- saan ka makakahingi ng tulong.
Walang dapat ikahiya kung tayo ay napaloko
Nangyayari iyan kahit kaninuman sa atin. Hinihimok namin kayong magbahagi sa iyong mga kaibigan, pamilya at komunidad ng impormasyon tungkol sa inyong mga naging karanasan sa panloloko. Ito ay makakatulong na mahadlangan ang isang tao na manakawan ng kanilang pera o personal na impormasyon. Kung mas lalong nag-uusap, mababawasan ang lakas ng mga manloloko.
Isumbong ang mga panloloko
Ang pagsusumbong ng isang panloloko sa Scamwatch ay magbibigay sa amin ng impormasyon tungkol sa pinakahuling ginagawang mga panloloko para matukoy at malansag namin. Makakatulong ito sa amin na makapagbigay babala sa komunidad tungkol sa bago o lumilitaw na mga panloloko at mabigyang-kaya kami na ibahagi ang impormasyon sa tagapagpatupad ng batas at iba pang mga organisasyon ng pamahalaan para matulungan silang mag-imbestiga at kasuhan ang mga manloloko.
Ang aming porma ng pagsusumbong sa online ay nasa wikang Ingles. Kung kailangan mong magsumbong ng panloloko sa ibang wika, makakatawag ka sa Serbisyo ng Pag-iinterprete at Tagasalinwika sa 131 450 (Translation and Interpreter Service on 131 450) at hilingin sa kanilang ikonekta ka sa aming pangkat (sa 1300 302 502). Maligayang itatala ng aming kawani ang iyong sumbong sa panloloko na katulong ang taga-interprete.